-- Advertisements --
michael wesly poa

Muling nilinaw ng Department of Education (DepEd) ang mga pamantayan ng kagawaran hinggil sa pagpapatupad ng suspensyon ng mga klase sa mga paaralan sa buong Pilipinas na kanilang saklaw.

Sa pulong balitaan ngayong araw ay sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na ang pagpapatupad ng kanselasyon ng mga klase sa bansa ay alinsunod sa depEd order no. 37 na nakabatay naman sa limang senaryo tulad ng bagyo, ulan, baha, lindol, power outages.

Ayon kay Poa, sa oras na maglabas ng signal no.1 ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) tuwing may bagyo, awtomatikong suspendido ang klase mula kinder hanggang grade 12 sa mga paaralang sakop ng kagawaran kabilang na ang mga teaching at non-teaching personnel.

Sa tuwing umuulan naman, awtomatikong suspendido ang mga klase ng k-12 kapag naglabas ng orange at red rainfall warning ang PAGASA.

Kapag bumabaha naman, suspendido rin ang mga klase ng mga nasabing mag-aaral kapag may inilabas na flood warning ang naturang weather bureau.

Sa tuwing makakapagtala naman ng intensity 5 na lindol ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) suspendido rin agad ang mga klase ng k-12 kabilang pa rin jan ang mga teaching at non teaching personnel.

Ngunit sakaling ang naturang mga senaryo naman ay nararanasan sa isang lugar at walang inilabas na advisory ang nasabing mga ahensya, nakasalalay naman na sa mga local government unit ang magiging suspensyon ng mga klase dito.

Samantala, pagdating naman ng power outages, nilinaw ni Poa na walang automatikong kanselasyon ng mga klase pero may authority naman aniya ang mga school head na magsuspend ng klase kung sa tingin ng mga ito ay talagang makakaapekto na ang kanilang sitwasyon sa kanilang magiging operasyon dahil sa kawalan ng kuryente sa kanilang mga lugar.

Paliwanag ni Poa, layunin ng DepEd Order No. 37 na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga kawani ng kagawaran laban sa iba’t-ibang sakuna at banta na dulot ng mga kalamidad na mararanasan sa bansa.