Todo naman ang suporta na ibibigay ng kagawaran ng edukasyon sa inihahaing mga panukalang batas na naglalayong magbigay ng karagdagang benepisyo at insentibo sa mga teaching and non-teaching personnel sa pampublikong paaralan sa bansa.
Sa pahayag ni Mr Earl Losito, supervising administrative officer ng Department of Education (DepEd), sa virtual meeting ng committee on civil service, government reorganization, and professional regulation sa pangunguna ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., positibo ang kanyang tugon kaugnay sa pagbibigay sa mga kaguruan ng mga nararapat na benepisyo at insentibo at naniniwala rin siya na ang mga non teaching personnel ay may malaking gampanin sa pagsuporta at paglago ng mga guro.
Samantala, inihayag din ni Losito noong kasagsagan pa ng pandemya na patuloy ang kanilang ibinibigay na suporta sa mga guro.
Bukod sa cash allowance aniya ay nagbigay sila ng special hardship allowance, ito ay additional compensation na ibinibigay sa mga guro kung saan sila ay exposed sa hirap ng trabaho.
Dagdag pa, nagkaroon din ng ugnayan ang DepEd sa mga Local Government Units (LGU) para maibigay ang mga pangangailangan ng mga guro sa pagtuturo gaya ng laptops at internet, dahil nakulong ang bansa sa pandemya at nagsimula ang new normal set up sa pag-aaral.
Ang kahalagahan ng panukalang nabanggit ay nabigyang pansin nitong nagdaang pandemya kung saan maraming guro ang hirap sa kanilang sitwasyon para maitawid ang online classes, kabilang na ang paghahatid ng modules at iba pang learning materials sa kanilang mga estudyante.
Tiniyak naman ni Revilla na gagawin ng mga mambabatas ang lahat ng kanilang makakaya para “a-institutionalize” ang teaching supply o “Chalk” allowance para sa mga guro, na kanilang iminumungkahi na itaas sa P10,000 mula P5,000.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang goal ay maisakatuparan ang nasabing allowance upang masiguro na ang mga kaguruan sa mga pampublikong paaralan ay permanenteng matatanggap ito at hindi lamang special provision sa national budget.