-- Advertisements --
image 136

Binigyang diin ng Department of Foreign Affairs na bibigyan ng “maximum protection” ang mga Pilipinong nasa Kuwait.

Ito ay upang maibsan ang pag-aalala ng migrant community sa Gulf nation kasunod ng biglaang pagsususpinde ng mga bagong entry visa para sa mga Filipino.

Ayon sa tagapagsalita ng DFA na si Tessie Daza na ang Pilipinas ay nanatiling nakatuon sa pagresolba sa anumang isyu sa paggawa sa Kuwait sa isang makatarungan na paraan.

Aniya, makakahanap sila ng solusyon na magsasaalang-alang sa pangangailangang magbigay ng pinakamataas na proteksyon at pag-access sa hustisya para sa lahat ng mga mamamayang nagtatrabaho sa nasabing bansa.

Nauna nang iniulat ng awtoridad na nag-ugat ang suspensiyon sa umano’y mga paglabag na ginawa ng gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng mga rescue operation nito na nagpapalaya sa mga manggagawang Pilipino mula sa mga abusadong employer.

Sinabi ng DFA na ang “blanket suspension” ay lumilitaw na sumasakop sa lahat ng uri ng bagong entry visa, tulad ng mga ibinibigay para sa negosyo, trabaho, turismo at pag-aaral.

Nilinaw din nito na ang pagsususpinde ay hindi makakaapekto sa mga may kasalukuyang residence visa (Iqama) o Kuwait civil ID.