Ilang oras bago ang selebrasyon ng Bagong Taon, nagbigay ang Department of Health (DOH) ng mga first aid tips para sa mga maaring masugatan dahil sa paghawak ng paputok.
Sinabi ni Health Undersecretary Dr. Enrique “Eric” Tayag na naka-red alert ang mga ospital sa Pilipinas sa gitna ng inaasahang pagtaas ng mga pinsalang may kinalaman sa paputok habang papalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Para sa mga magtamo ng mga sugat dahil sa pagsabog ng paputok, sinabi ni Tayag na ang bukas na sugat ay dapat banlawan kaagad ng running water.
Kung ang ‘burn’ na natamo ay kasing laki ng isang palad, kailangan na itong dalhin sa hospital.
Para naman sa mga minor cut o paso, sinabi ng opisyal ng DOH na hindi ito dapat balewalain at dapat pa ring gamutin ng anti-tetanus shots.