Pinaalalahan ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang publiko hinggil sa paggunita ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ayon kay Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria Balboa, hangga’t maaari ay iwasan o ‘di kaya ay kumain lamang ng katamtaman na mga mamantika, ma-cholesterol, gayundin ang matatamis na pagkain ngayong holiday season upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng mga ito.
Paliwanag ni Balboa na ang lahat ng sobra ay nakasasama sa katawan.
Hinikayat din ng kagawaran ang publiko na huwag nang gumamit ng mga paputok sa Bagong Taon. Isa sa programa ng DOH ang “Iwas Paputok,” kung saan nakapaloob dito ang pagkakaroon ng designated community fireworks display sa bawat lungsod upang makaiwas sa fireworks related injuries.
Sakali naman magkaroon ng aksidente sinabi ni Balboa na kinakailangan mabigyan ng paunang lunas ang pasyente sa pamamagitan ng paglinis ng sugat gamit ang tubig at saka dalhin sa pinakamalapit na health center o ospital para mabigyan ng karampatang
paggamot lalo na ng Anti-tetanus injection.