-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — “Upang mas lalong maipaabot ang mga pangako ng Universal Health Care sa mga lokal na komunidad.”

Ito ang binigyang-diin ni Department of Health Officer-in-Charge Secretary Maria Rosario Singh-Vergeire sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng Primary Care Day bilang bahagi ng “Konsultayo Arangkada” campaign sa bayan ng Manaoag, Pangasinan na ginanap sa Manaoag Sports Complex nitong Biyernes, Nobyembre 18, 2022.

Aniya na ang paglunsad ng naturang kampanya ay bahagi ng pagpapaigting ng mas mabilis na pagbibigay ng agarang lunas sa paggamot ng mga karamdaman at solusyon sa paglaban at pagiwas ng magastos na paggamot, kung saan ay layunin nito na gawing mas abot-kamay at abot-kaya ang primary care sa bawat Juan at Juana.

Katuwang naman ng ahensya ang Philippine Business for Social Progress, ang tumatayong implementing office sa pagpapatupad ng mga programa ng DOH, na tumulong upang isakatuparan ang programang ito ng ahensya sa pamamagitan ng pagde-deploy ng Konsultayo Arangkada Van, isang van na may lulan na mga diagnostic equipment na donasyon ng Global Fund sa pamamagitan ng Philippine Business for Social Progress, sa nasabing bayan.

Dagdag pa nito na kinilala at binigyang pagbati rin ng ahensya ang lokal na pamahalaan ng Manaoag, na pinamumunuan ni Mayor Dr. Jeremy “Ming” Rosario, sa pagtanggap sa hamon ng Kagawaran ng Kalusugan sa pagpapatupad ng mas maigting na primary care sa kanilang lugar, kung saan ay binigyan naman ito ng kahilim ng hanggang Disyembre na maabot at mapuntahan ang malalayong mga lugar sa kanyang nasasakupang munisipalidad upang mailapit at maibigay sa kanila ang primary care service program ng ahenysa.

Matapos nito ay inaasahan naman ni Vergeire na magagamit ng buong lalawigan ng Pangasinan ang Konsultayo Arangkada van sa paghahatid ng primary care benefits sa bawat Pangasinense.

Ang kampanyang “Konsultayo Arangkada” ay inilunsad ni Department of Health Officer-in-Charge Secretary Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire, kasama sina Undersecretary Nestor Santiago Jr., Manaoag Mayor Dr. Jeremy “Ming” Rosario, at CHD 1 Regional Director Dr. Paula Paz Sydiongco.