Nanatili pa ring malaki ang bilang ng mga subscribers na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakapag parehistro ng kani-kanilang Subscriber Identity Module o SIM card.
Ayon sa National Telecommunications Commission, umabot na sa 33,313,893 ang kabuuang bilang ng mga subscribers na nakapag parehistro ng kanilang SIM card simula ng ipatupad ang SIM card registration noong Disyembre ng nakaraang taon.
Ang naturang bilang ay 19.71 percent lamang ng kabuuang 168,977,773 na subscribers.
Aminado naman ang National Telecommunications Commission na bumaba ang bilang ng mga nagpapadala ng reklamo sa kanilang tanggapan matapos ipatupad ang naturang batas.
Ayon kay NTC Commissioner Ella Lopez, apat na buwan bago ang effectivity ng SIM card Registration Law ay nakatanggap sila ng mahigit 1,500 na reklamo kada araw at simula naman ng ipatupad ang nasabing batas hanggang ngayon ay nakatanggap lamang sila ng mahigit 8,000 na bilang ng mga nagrereklamo.
Sinabi naman ng Department of Information and Communications Technology na bahagyang bumaba ang bilang ng mga nagpapa rehistro dahil na rin aniya sa kakulangan sa information and Dissemination.
Samantala,ang Deadline naman ng SIM card registration ay sa darating na Abril 26 taong kasalukuyan.
Bagama’t nalalapit na ang deadline ay iginiit ng Department of Information and Communication Technology na wala pa umano silang plano na palawigin ang SIM card registration.
Sa ngayon, nagpakalat na ang Department of Information and Communication Technology , National Telecommunications Commission at mga Telecommunication Companies ng mga registration booth sa ibat-ibat parte ng Pilipinas upang mahabol ang itinakdang deadline.
Sa pagtatapos ng deadline ay idedeactivate ang lahat ng luma at bagong SIM card at magagamit lamang itong muli kung irerehistro ng may-ari.
Patuloy naman ang panghihikayat ng mga kinauukulan sa publiko na huwag ng hintayin ang deadline bago magparehistro.