-- Advertisements --
image 436

Nakatakdang maglabas ang Department of Justice (DOJ) ng international lookout bulletin kay Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa susunod na linggo.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, umalis na si Teves sa Estados Unidos at nasa isang lugar na ngayon sa Asia.

Inaasahan na umano nilang babalik ng bansa si Teves matapos himukin ni Speaker Martin Romualdez na muling isaalang-alang ang kanyang desisyon na lumayo pansamantala sa gitna ng mga reklamong inihain laban sa kanya.

Dagdag pa ng ahensya, maaaring humiling ang Department of Foreign Affairs na i-deport si Teves mula sa bansang kasalukuyan niyang tinitirhan.

Samantala, ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang isang reklamo ng illegal possession of firearms at unlawful possession of explosives na isinampa laban kay Teves dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Nauna nang sinabi ng dalawang naarestong suspek na sina Joric Labrador at Benjie Rodriguez, parehong dating sundalo, na isang “Cong Teves” ang nag-utos na tamaan si Negros Governor Roel Degamo, na napatay sa kanyang tirahan sa bayan ng Pamplona noong Marso 4.

Itinanggi ni Teves na siya at ang kanyang kapatid na si Henry ay sangkot sa pagpatay kay Degamo sa gitna ng mga alegasyon na ang insidente ay may motibo sa pulitika.

Nauna nang hiniling ni Teves sa pamunuan ng Kamara na bigyan siya ng dalawang buwang leave of absence, dahil sa isang “very grave threat” sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.