Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Boying Remulla na nakaalis na sa Amerika si Negros Oriental 3rd District Rep Arnulfo Teves.
Ito’y matapos mapaso kahapon ang foreign travel authority na ipinagkaloob sa kanya ng mababang kapulungan ng kongreso.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Boying Remulla , si Teves ay hindi pa rin nakakapasok ng bansa ngunit batay sa kanilang nakalap na impormasyon ay nasa Asia na ito.
Sinabi pa ni Remulla na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakikipag-ugnayan si Teves sa kanilang ahensya.
Matatandaan na si Teves ay kabilang sa iniimbestigahan ng DOJ matapos ang nangyaring pamamaril patay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang monitoring ng Department of Justice sa lokasyon ng naturang kongresista.