Ipinangako ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople ang hustisya para sa napatay na overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara habang nakikiramay siya sa nagdadalamhating pamilya ng nasabing Pinay worker.
Ayon sa departamento, ang nasunog na bangkay ng 35-anyos na domestic worker ay natagpuan noong Linggo sa disyerto ng Kuwait.
Sinabi ng ahensya na inaresto na ng mga awtoridad ng Kuwait ang anak ng amo ng biktima.
Si Ople naman ay nakipag-ugnayan na sa pamilya ng biktima at nangakong magbibigay ng tulong sa pamilya ni Ranara.
Sa kasalukuyan, hinihintay ng Department of Migrant Workers ang opisyal na ulat sa insidente mula sa mga dayuhang awtoridad.
Kaugnay niyan, ang pamilya ng biktima ay humihiling ng privacy habang sila ay nagdadalamhati sa pagkamatay ni Ranara.
Kinondena ng departamento ang karumal-dumal na krimen at nanawagan sa gobyerno ng Kuwait na pagsikapan ang maagang pagresolba ng kaso at panagutin ang may sala sa nasabing insidente.
Bukod sa Department of Migrant Workers , sinusubaybayan din ng Department of Foreign Affairs ang mga development sa kaso at nakikipagtulungan din sa mga awtoridad ng Kuwait.