Nakipag-partner na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Department of Justice (DoJ) at iba pang government agencies para mas mapaigting pa ang kanilang pagsisikap na malabanan ang human trafficking na bumibiktima sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sinabi ni DMW Secretary Susan “Toots” Ople sa naganap na Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) meeting, iniulat nito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na inaalalayan nila ang lahat ng mga biktima ng crypto-currency syndicates sa paghahain ng human trafficking cases.
Sa ngayon, nasa 11 kaso na raw ng trafficking-in-persons ang naihain at apat na kaso pa ang kanilang ihahain sa susunod na dalawang linggo.
Dagdag ni Ople na isa raw sa mga akusado sa crypto-currency scam na nambiktima ng OFWs sa Cambodia ay naaresto na noong March 7 sa San Fernando City, Pampanga.
Samantala, sinuguro naman ni Ople kay Pangulong Marcos na imo-monitor ng DMW ang mga report na human trafficking ng mga OFWs sa Poland at ilan pang bahagi ng Europe.
Lumalabas na ang mga workers ay pinagtatrabaho sa mahabang oras at mayroon lamang maliit na sahod.
Hindi rin umano ligtas ang kanilang work conditions.
Patuloy naman umanong nagbibigay sa ngayon ang DMW ng pagkain at iba pang uri ng tulong sa 39 Filipino workers na dinala ng isag manpower company sa Belgium na nakabase sa Poland.
Ang naturang mga workers ay nabigyan na ng temporary work permits ng Belgian government habang hinihintay ang resolution ng kanilang mga kaso.
Sinabi ni Ople na nagpahayag naman daw ang DoJ ng kanilang kagustuhan na tulungan ang naturang mga biktima ng human trafficking mula sa ibayong dagat na determinado namang maghain ng criminal cases sa pamamagitan ng Witness Protection Program.
Para naman sa intensified education at awareness campaign, sinabi ng DMW na nakikipag-ugnayan na ang mga ito sa Presidential Communications Office (PCO), Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang government offices.