-- Advertisements --

Tiniyak ngayon ni Sen. Bong Go na puspusan nitong isusulong sa Senado ang pagpasa ng batas na lilikha sa Department of OFW.

Ginawa ni Sen. Go ang pahayag matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi sa Araw ng Pasasalamat sa OFW Summit sa Kampo Aguinaldo na suportado nito ang panukalang paglikha ng hiwalay na executive department na magbibigay proteksyon sa mga overseas Filipino workers (OFWs) laban sa mga abusadong illegal recruiters.

Sa nasabing okasyon, sinabi ni Pangulong Duterte na lahat ng gagawing recruitment ng mga Filipino migrant workers ay sa ilalim ng superbisyon ng gobyerno at walang sobra-sobrang babayaran.

Sinabi ni Sen. Go, mahalagang magkaroon ng hiwalay na departamento para tutugon sa mga reklamo at pangangailangan ng mga OFWs na nabibiktima ng illegal recruiters.

Ayon kay Sen. Go, nakapaloob sa kanyang Senate Bill 202 o Department of Overseas Filipinos Act of 2019 na magsisilbing umbrella agency ang Department of Overseas Filipinos na tututok sa lahat ng isyu at concerns ng mga OFWs at kanilang pamilya sa Pilipinas.

Sa oras na maipasa ang panukalang batas, ang mandato ng POEA, OWWA, DFA-OUMWA, Commission on Filipino Overseas at International Labor Affairs Bureau ay maililipat na sa nasabing Departmento.

Layunin din ng panukalang batas na magtatatag ng isang Overseas Filipinos Assistance Fund para magbigay ng financial support sa mga Filipino migrants na nagkakaproblema, gagastusin sa repatriation, life-savings funds sa oras ng emergency at livelihood loans para sa mga OFWs na uuwi na sa bansa.

“Masakit makitang iniiwan ng mga kababayan natin ang mga pamilya at mahal nila sa buhay upang makapagtrabaho lamang sa mga malalayong lugar. Suklian natin ang kanilang sakripisyo ng mas maayos na serbisyo para sa kanila at kanilang mga pamilya” ani Sen. Go.

Target ipasa ang panukalang batas sa Disyembre ngayong taon.