Nagsanib pwersa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Public Attorney’s Office (PAO) para matulungan ang mga single mom na magkaroon ng sustento mula sa ama ng kanilang anak na hindi nagbibigay ng child support.
Kaugnay nito, lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) sina DSWD Secretary Erwin Tulfo at PAO chief Persida Acosta na tutulong sa mga solo parent na ina para makapaghain ng kaso laban sa mga ama na hindi nagbibigay ng sustento.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, ang mga ama na hidni magbibigay ng sustento sa kanialng anak ay sasailalim sa pag-uusig sa paglabag sa Articles 194 at 195 ng Family Code of the Philippines at Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Nakapaloob sa Article 195 ng Family Code na ang magulang ay legal na minamandato na magbigay ng suporta sa kanilang mga anak habang sa Article 194 nakasaad naman na ang suportang ito ay saklaw ang lahat ng pangangailangan ng kanilang anak mula sa tirahan, pananamit, medical attendance, education at transportation.
Hinimok naman nina Tulfo at Acosta ang mga single mothers na lumapit sa tanggapan ng DSWD para matulungan silang makuha ang kanilang karapatan na makatanggap ng sustento mula sa ama ng kanilang anak.