-- Advertisements --
image 134

Nakahanda na raw ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbigay ng cash-for-work assistance sa mga residente apektado ng oil spill matapos lumubog ang MT Princess Empress sa bayan ng Naujan sa Oriental Mindoro noong Pebrero 28.

Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang assistance ay ibibigay matapos ang kanilang koordinasyon sa mga local government units (LGUs) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), na head ng inter-agency na naatasang manguna sa pagresolba sa oil spill mula sa tanker na mayroong lamang 800,000 liters ng industrial oil.

Kasama naman sa mga mabibigyan ng temporaryong pangkabuhayan ang mga residente ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Naujan, Pinamalayan, Pola at Roxas sa Oriental Mindoro; Caluya sa Antique at Agutaya sa Palawan.

Maliban sa Oriental Mindoro, nakatanggap din umano ang kalihim ng DSWD ng mga balitang kumalat na rin ang oil spill sa probinsya ng Antique at Palawan kaya naman ay kailangan din umano ng mga residente doon ng tulong mula sa pamahalaan.

Maliban naman sa cash-for-work, plano rin ni Gatchalian na magpatupad ng isa pang programa sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer (ECT) program para sa mga apektadong resident.

Sa ngayon, nakapamahagi na rin ang DSWD ng mahigit P3.1 million na halaga ng food assistance sa mga apektadong residente ng Oriental Mindoro at Antique.

Patuloy daw naman ang koordinasyon ng DSWD sa mga concerned agencies at localities para masigurong natutugunan ang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng oil spill.