Mas mahigpit na seguridad ngayon ang ipinagutos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa Philippine National Police para sa kaligtasan ng self-confessed gunman ni Percy Lapid na si Joel Escorial.
Kasunod ito ng kontrobersyal na pagkamatay ng umano’y middleman sa loob ng New Bilibid Prison na kumontak sa grupo nina Escorial na kinilala ng mga kinauukulan na si Crisanto Villamor Jr.
Sa isang statement ay sinabi ni Sec. Abalos na inatasan na niya na siguraduhin ng pulisya ang seguridad at kaligtasan ni Escorial dahil siya aniya ang susi upang maresolba na nila ang kasong ito.
Una rito ay nagpahayag na rin ng pagkadismaya ang kalihim dahil sa pagkasawi ng nasabing inmate na isa sa mga itinuro ng self-confessed gunman na pinaniniwalaang middleman sa pamamaril kay Lapid.
Matatandaan na batay sa naging ulat ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, dead on arrival sa New Bilibid Prison hospital si Villamor noong October 18, ilang oras matapos na iharap sa media ang hitman ng nasabing brodkaster na si Escorial.