-- Advertisements --
image 160

Tiniyak ngayon ng Department of Tourism (DoT) na tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga ito ng mga mekanismo na nasimulan ng Marcos administration para sa paglago ng industriya ng bansa.

Kasunod na rin ito ng naitalang revenue ng DoT na P100 billion matapos bumisita sa bansa ang mahigit dalawang milyon nang mga turista mula Pebrero hanggang sa kasalukuyan.

Ayon sa DoT, sa ngayon ay nasa kabuuang 2,025,421 visitor arrivals na ang na-monitor sa bansa base sa latest data noong November 14.

Sa naturang figure, nasa 73.43 percent o 1,487,343 ang mga foreign tourists habang 26.57 percent o 538,078 ang mga overseas Filipinos.

Base sa pinahuling data mula sa ahensiya, ang mga visitor arrivals mula Pebrero hanggang September 2022 ay nakapag-ambag ng P100.7 billion na kita at mas mataas sa P4.94 billion na naitala sa parehong period noong nakaraang taon.

Sinabi ni DOT Secretary Christina Frasco sa isang press statement na nalagpasan na rin ng bansa ang kailang 1.7 million tourist projections.

Nagpapakita lamang daw ito nang mataas na demand ng mga travellers sa ating magagandang pasyalan sa bansa.

Isa rin umano dito ang pag-prayoridad ng kasalukuyang administrasyon sa turismo at inilagay na ang bansa sa tamang landas para sa pagrekober ng bansa na pinadapa ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Dagdag ni Frasco, bukas daw ang Pilipinas para sa lahat ng gustong bumisita lalo na sa mga magagandang tourist destination sa iba’t ibang lugar.

Bukas din ang bansa para sa conduciveness sa tourism business at livelihood opportunities para sa ating mga kababayan.

Samantala, nananatili namang nangunguna ang United States sa mga pinakamaraming banyagang bumisita sa bansa na mayroong 385,121 o 19.01 percent.

Sinundan ito ng South Korea na mayroong 285,583 o 14.10 percent at Australia na mayroong 96,297 o 4.75 percent.

Ika-apat naman dito ang Canada na mayroong 89,248 o 4.41 percent at United Kingdom na may 77,267 o 3.81 percent.

Sinundan ito ng Japan na mayroong 75,564 o 3.73 percent habang nasa ika-pitong puwesto naman ang India na mayroong 41,292 o 2.04 percent.

Kabilang din dito ang Singapore na mayroong 39,801 o 1.97 percent, Malaysia na mayroong 35,128 o 1.73 percent at ang Vietnam na mayroong 32,970 o 1.63 percent.