-- Advertisements --
image 135

Muling iginiit ng Department of Transportation (DOTr) na kailangang sumali ang mga public utility vehicle (PUV) drivers sa mga accredited na kooperatiba dahil sa mga makukuhang benepisyo dito.

Ito ang naging komento ni DOTr-Office of Transportation Cooperatives (OTC) chairperson Jesus Ortega sa gitna na rin ng nagpapatuloy na isang linggong tigil pasada ng ilang transport groups bilang pagtutol sa PUV Modernization Program.

Sa naturang modernization program ay kailangang sumali ng mga tsuper ng jeep sa kooperatiba.

Aniya, sa pamamagitan daw kasi ng kooperatiba ay magiging propesyonal na ang negosyo ng mga drivers sa transportation kaysa mag-isa lang ang isang jeepney driver.

Inihalimbawa nito na kung magsama-sama ang mga drivers ay kaya nilang pagtulungan kung paano mamintina ang mga sasakyan.

Kaya daw nilang pagtulungan ang gastos at pag-usapan kung paano mapaganda ang kanilang mga buhay.

Dagdag pa ni Ortega, sa pamamagitan daw ng mga kooperatiba ang mga PUV drivers ay magkakaroon na ng regular na sahod at mga benepisyo gaya ng SSS, PhilHealth at insurance.

Maliban dito, mayroon din umano silang komisyon sa bawat katapusan ng taon.

Sinabi ng DOTr official na mayroong 1,800 accredited cooperatives na nasa 200,000 members na ang naitala noong buwan ng Enero.

Kung maalala, pinalawig pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline para sa mga jeepney operators para bumuo ng kooperatiba hanggang December 31, 2023.

Layon ng PUV modernization program na palitan an traditional jeepneys ng mga sasakyang mayroong environment-friendly fuels.

Pwede namang mag-apply ang mga operators at drivers ng bagong prangkisa pero bilang bahagi na ng transport cooperatives.