Inirekomenda ngayon ng Department of Transportation (DoTr) ang “fare discounts” sa mga commuters na sumasakay sa mga public utility vehicles.
Kinabibilangan ito ng mga jeep, bus at utility vehicle (UV) express bilang kapalit sa free rides ng EDSA Bus Carousel.
Base sa rekomendasyon ng DoTr, ang diskwento ay pareho noong pre-pandemic at bago ipinatupad ang fare hike.
Sa memorandum na isinumite ni DoTr Secretary Jaime Bautista kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III, ang pre-pandemic fare matrix ang ipatutupad at ang provisional fare increases na ipatutupad ay sakop naman ng gobyerno.
Ang minimum fare para sa traditional jeepneys ay P9 mula sa dating P12 habang ang modern jeepney ay magiging P11 mula sa dating P14.
An posibleng discount fare para sa mga bus ay hanggang P4.
Patuloy pa rin namang pinag-aaralan ang diskwento para sa UV Express.
Ang diskwento naman sa pasahe ay ipatutupad sa ilang bahagi ng bansa.
Paliwanag naman dito ni DoTr undersecretary Mark Steven Pastor, ang ikokonsidera raw tio ay ang mga ruta sa buong bansa na pinakamarami ang pasahero.
Pero pansamantala naman daw na ititigil ang diskwento sa pasahe kapag naubos na ang P2 billion na pondo para sa service contracting program ng LTFRB ngayong taon.
Isinusulong din ng DoTr ang libreng sakay tuwing holiday sa public transportation gaya ng tren.