DAVAO CITY – Mamamagitan na ang Department of Education – Davao hinggil sa insidente ng isang Kindergarten pupil sa Barangay Lacson, Calinan, Davao City na napabalitang humihikbi matapos pinunit ng kanyang guro ang naipasang papel, dahilan na nai-post ito ng kanyang ina sa social media.
Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Jenelito “Dodong” Atillo, ang tagapagsalita ng DepEd – Davao, inihayag na nagpadala na ng sulat ang bagong Schools Division Superintendent na si Dr. Reynante Solidario sa administrador ng Lacson Elementary School sa Barangay Calinan upang maglunsad ng imbestigasyon.
Sa ngayon, hinihintay pa ng DepED Davao ang resulta ng imbestigasyon sa nangyaring insidente sa nasabing paaralan.
Umapela din ang tagapagsalita ng DepED 11 sa publiko na personal na idulog sa pamunuan ng paaralan ang anumang problema sa pagitan ng mag-aaral at guro upang mabigyan ng solusyon, at hindi na lamang ipalabas sa social media.
Dagdag pa ng opisyal, dapat maunawaan ng publiko ang hirap na dinaranas ng mga guro.
Nabatid na nakausap na ng gurong sangkot sa insidente ang mga magulang sa pamamagitan ng chat.
Sa naturang pag-uusap ay iginiit ng hindi pinangalanang guro ang aksyon na ito, dahil ito ang kanyang paraan upang disiplinahin ang naturang mag-aaral sa Kindergarten.