KORONADAL CITY – Ipinasiguro ng Department of Education Region 12 ang siyento-porsiyentong kahandaan ng mga paaralan sa Socsksargen na kabilang sa 2nd batch na magpapatupad ng limited face to face classes.
Ito ang inihayag ni Anton Maganto, DepED 12 Information Officer sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Maganto, kabilang sa mga paaralan na magpapatupad ng in person classes ngayong araw, Disyembre 6,2021 ay ang Lamba Central Elementary School sa bayan ng Banga, South Cotabato, Klolang Elementary School sa General Santos City at San Pablo National High School sa lungsod ng Tacurong.
Aabot umano sa higit 100 mga estudyante ang papasok ngayong araw kung saan magiging limitado lamang sa 12-15 ang papayagan sa isang section.
Ikinatuwa naman ng mga guro ang buong suporta ng mga stake holders at mga magulang sa pagbubukas ng klase lalo na at nais din nila na masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga anak.
Napag-alaman na sa isinagawang pilot run ay matagumpay na naipatupad kung saan wala ni isang covid-19 cases na naitala mula sa 6 na mga paaralan sa Rehiyon Dose.
Kaugnay nito, umaasa naman ang DepEd na madadagdagan ang mga paaralan na mapapabilang sa mga magpapatupad ng in person classes sa susunod na school year.