KORONADAL CITY – Dumipensa ang mga organizers ng isinagawang ultra marathon race sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato matapos na masami ang isa sa mga kalahok na opisyal ng Department of Education Region 12.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Keo Dayle Tuan, kinilala nito ang nasawing opisyal na si Peter Van Ang-ug, Human Resources Development Division ng Department of Education 12.
Ayon kay Tboli Mayor Tuan, si Ang-ug na kalahok sa ultra-marathon pa Lake Holon noong Linggo ay dead on arrival sa ospital matapos umanong ma-cardiac arrest.
Ayon pa sa alkalde, nawalan ng malay sampung kilometro pa lang ang tinakbo sa 55 kilometro na ultra-marathon race ang Deped official.
Ipinaliwanag naman ng alkalde na ang mahigit isang daang kalahok sa nasabing event ay may health declaration at pumirma ng waiver.
Kumpiyansa naman umano ito sa mga organizers dahil mga marathon runners din ito sa kanilang bayan at alam ang kailangang gawin sa ganitong event.
Napag-alaman na ang ultra marathon to Lake Holon ay bahagi lamang ng Seslong Festival ng Tboli at tanda din ng muling pagbubukas ng nasabing tourist destination sa mga turista.
Kasabay nito, nagpaabot din ng pakikiramay at ikinalungkot ng mga organizers ng Seslong Festival 2023 Mountain Ultra Marathon: Race To Lake Holon ang hindi inaasahang pangyayari.