-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na kakaunti lamang ang mga errors na nakita sa TV episodes ng kanilang mga broadcast lesson.

Kamakailan kasi nang umani ng batikos ang DepEd matapos ang pagkakamali sa solution ng isang mathematical equation na naere sa DepEd TV.

Pero depensa ni DepEd Usec. Alain Pascua, dalawa lamang mula sa 111 episodes na kanilang nilabas noong nakaraang linggo ang nakitaan ng mga pagkakamali.

“We were able to produce 111 unique video episodes amounting to close to 3,000 minutes of video episodes. And out of 111 video episodes, two episodes were seen to contain errors…. I would want to reiterate that out of 111 videos, only 2 episodes have errors,” wika ni Pascua.

Inihayag pa ni Pascua ang mga errors ay nakita sa episodes ng Mathematics at Araling Panlipunan.

Para naman maiwasan na magkaroon pa ng errors sa kanilang mga TV episodes, makikipag-partner daw ang DepEd sa nasa 60 eksperto mula sa academe at sa pribadong sektor para makatulong sa kanila upang i-check ang quality ng broadcast content.

“Hindi na kaya ng puwersa natin sa DepEd TV because we are always running out of time because mahirap mag-produce ng TV episodes,” ani Pascua.

Maliban dito, inilunsad ng DepEd kahapon ang DepEd Error Watch, na naglalayong tipunin ang mga reports ng errors na nakita sa iba’t ibang learning materials tulad ng printed learning modules, broadcast content, at online materials sa DepEd Commons.

Mangyaring makipag-ugnayan lamang ang DepEd sa kagawaran sa pamamagitan ng mga sumusunod:

Email: errorwatch@deped.gov.ph
Text message and Viber: 0961-680-5334
Facebook Messenger: DepEd Error Watch (@depederrorwatch)
Workchat: DepEd Error Watch