Aabot sa mahigit 3-milyon pang mga estudyante ang hindi pa nag-eenroll isang linggo bago ang nakatakdang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.
Sa isang press conference sinabi ni Department of Education (DepEd) Usec. Jesus Mateo, patuloy ang kagawaran sa pagkumbinsi sa mga magulang na ipatala ang kanilang mga anak sa harap ng COVID-19 pandemic.
“Kung pagbabasehan natin ‘yung last school year’s enrollment of 27 million, meron pa tayong natitirang more or less …mga 2 million plus or 3 million,” wika ni Mateo.
“Patuloy pa rin ‘yung kampanya natin sa tulong po ng ating local government units at kayo po sa media na makumbinsi natin ‘yung mga magulang na pag-aralin ‘yung kanilang mga anak,” dagdag nito.
Sa pinakahuling datos, lumobo pa sa 24.6-milyon ang enrollment turnout sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Kung ihahambing, ito ay 88.80% lamang sa record noong nakalipas na taon.
Sa kabila nito, inaasahan pa rin ng ahensya na patuloy na madaragdagan ang bilang ng mga enrollees dahil sa patuloy ang pagbuhos ng mga report mula sa field.
Una nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones, puwedeng humabol sa enrollment ang bata kahit magsimula na ang klase sa Oktubre 5 basta makapasok ito sa 80 porsiyento ng required na school days.