Pumalo umano sa mahigit 5-milyong mga mag-aaral sa pampublikong paaralan sa buong bansa ang nagpatala sa unang linggo ng remote enrollment para sa School Year 2020-2021.
Sa pahayag ng DepEd, nakapagtala sila ng kabuuang 5,086,000 enrolees kung saan mula 500,000 sa unang araw, lumobo ito hanggang 3.7-milyon kinabukasan.
Sa pangkalahatan, umabot sa mahigit 5.2-milyong estudyante mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa pagtatapos ng unang linggo ng Hunyo.
“The virtual enrollment, conducted only through phone or online platforms, was implemented as physical activities were still prohibited inside school premises to ensure safety of learners, parents and teachers,” saad sa pahayag.
Samantala, lahat ng mga estudyanteng hindi makakapag-enroll gamit ang remote method sa huling dalawang linggo ng buwan ay papayagan na magtungo nang personal sa paaralan para magpatala.
Pero dapat aniyang sumunod ang mga ito sa ipinatutupad na health protocols, at sa koordinasyon na rin sa mga local government units.