Tinalakay ng Department of Education (DepEd) at ng 65 education partners nito ang paghahanda para sa Program International Student Assessment (Pisa) assessment sa 2025.
Inilahad ni Assistant Secretary for Curriculum and Teaching Janir T. Datukan ang mga pangkalahatang plano at aktibidad bilang paghahanda para sa Pisa.
Sinusukat ng assessment ang performance ng 15 taong gulang na mga mag-aaral sa mathematics, reading, at science.
Magugunitang sa pagbusisi ng panukalang pondo ng DepEd para sa 2025, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang paghahanda para sa Pisa sa 2025 ay parang “bar exam.”
Una nang iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na kailangan ng mga programa sa learning recovery sa gitna ng walang naitalang malaking pagbabago sa marka ng mga mag-aaral sa Reading, Mathematics, at Science mula 2018 hanggang 2022.
Ayon pa sa senador, kailangang ding suportahan ang mga guro sa pamamagitan ng pagtataguyod sa kanilang kapakanan at suporta sa mga mag-aaral sa kanilang pagkatuto.
Lumabas sa index ng teacher support na mas mataas ang suportang ibinigay ng mga Pilipinong guro (0.50) sa kanilang mga mag-aaral kaysa sa average na naitala (-0.03) ng mga bansang kasapi ng Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD).
Sa pinakahuling PISA, lumabas na 8 sa 10 mag-aaral ang nag-ulat na patuloy ang mga guro sa pagtuturo hanggang sa matutunan nila ang aralin (80%), tinutulungan nila ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral (81%), nagbibigay ng karagdagang tulong kung kinakailangan (81%), at nagpapakita ng interes sa pagkatuto ng mga mag-aaral (79%).
Inihain ni Gatchalian ang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493), na layong amyendahan ang 57-taong Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670).