Kinumpirma ng Department of Education-Central Visayas na nagsagawa ng agarang aksyon at interbensyon ang pamunuan ng isang paaralan sa Cebu kasunod ng kumakalat na video ng mga estudyante na nagsuntukan matapos hinampas sa pisara ang mukha ng isang babae.
Nangyari ang insidente sa silid-aralan ng isang paaralang sekondarya sa lungsod ng Mandaue.
Batay sa kumakalat na video, makikita na hinampas ng malakas ng lalaking estudyante ang mukha ng isang babaeng estudyante sa pisara kaya sinaklolohan na ito ng isa pang estudyante at doon na nauwi sa palitan ng suntok.
Inihayag ni Department of Education-7 Director Dr. Salustiano Jimnez na ipinatawag na ang mga magulang ng mga sangkot na estudyante at ang mga ito na mismo ang magdesisyon kung ano ang dapat gawin sa mga mag-aaral.
Ibinunyag pa ni Jimenez na mayroon silang isinagawang sariling imbestigasyon dahil nangyari ito sa loob ng campus at upang matukoy kung karapat-dapat bang parusahan o patawan ng disciplinary action ang taong nanakit.
Nilinaw pa nito na ang kagawaran ay hindi agad nagkondena ng mga tao at aalamin muna nila kung ano ang ugat ng gulo.
Inatasan na umano nito ang superintendent na isailalim sa counseling at debriefing ang mag-aaral na pinagbuhatan ng kamay at posibleng palawakin pa ang pagpapatupad nito o maging ang sa buong paaralan.
Hiling pa ni Jimenez sa mga guro at magulang na laging gabayan ang mga mag-aaral para hindi magpadala ang mga ito sa kanilang mga emosyon.