Aabot na umano sa kulang-kulang 900 pribadong eskwelahan ang hindi makapagpapatuloy ng operasyon sa buong Pilipinas dahil sa samu’t saring dahilan habang nasa gitna ng coronavirus crisis ang bansa.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Usec. Jesus Mateo, batay sa natanggap nilang mga report sa kanilang mga field office, pumalo na sa 865 ang bilang ng mga private schools na magsasara muna ngayong school year.
“So based on the current figures that we have on the report of the field offices, we now have [865]. Of which, 43% are — based on the report — due to low enrollment and COVID-related cases,” wika ni Mateo.
“Majority are from the elementary schools.”
Kung maalala, matindi ang epekto ng mga lockdown at quarantine kontra COVID-19 sa pinansiyal na kapasidad ng maraming magulang matapos matanggal sa trabaho at magsara ang mga negosyong pinagkukuhanan ng hanap-buhay.
Dahil dito, nasadlak ang ekonomiya ng Pilipinas sa isang “technical recession”, na sinasabing pinakamalala simula pa noong 1981.