LEGAZPI CITY – Isinailalim sa lockdown ang tanggapan ng Department of Education (DepEd) Albay mula Marso 15 hanggang Marso 19, 2021.
Bahagi ito ng pag-iingat ng opisina matapos na isa sa mga empleyado ang maging close contact ng COVID-19 positive.
Sinabi ni DepEd Albay spokesperson Froilan Tena sa Bombo Radyo Legazpi, kahit pa minimal lamang o isang yunit ng tanggapan ang apektado, minabuti nang magpatupad ng lockdown upang bigyang-daan ang disinfection.
May higit 200 empleyado ang DepEd Albay subalit hindi naman aniya sabay-sabay na pumapasok sa tanggapan ang mga ito dahil ilan ay nasa work from home scheme.
Iniiwasan rin umanong matulad ang sitwasyon sa isang tanggapan sa Legazpi City na mabilis na lumobo ang kaso matapos na hindi makapagsagawa agad ng kaukulang hakbang.
Pinayuhan naman ang mga empleyado na agad ipagbigay-alam sa medical head ng DepEd Albay kung may mga nararanasang sintomas ng COVID-19.
Tiniyak naman ni Tena na batay sa kautusan ni Albay Schools Division Superintendent Norma Samantela na tuloy pa rin ang transaksyon sa online.