Pormal nang nilagdaan nina Education Secretary Leonor Magtolis Briones at Health Secretary Francisco Duque III ang Joint Memorandum Circular para sa pilot implementation ng Limited Face-to-face Learning Modality.
Magkasamang binuo ng DepEd at DOH ang operational guidelines upang masiguro ang kaligtasan ng mga lalahok na mag-aaral, guro, at iba pang school personnel at kanilang mga pamilya sa nasabing pilot implementation ng limited face-to-face classes sa mga piling paaralan sa mga low-risk areas sa bansa.
Sa ginanap na ceremonial signing event, sinabi ni Sec. Briones na inabot din ang gobyero ng mahigit isang taon sa ginawang pag-aaral kasama na ang mahabang mga debate bago pumayag sa in-person classes sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag pa ni Briones, nasa 120 mga schools na binubuo ng 100 public school at 20 pribadong paaralan ang makikilahok sa pilot run ng face-to-face classes.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng 95 mga public elementary schools, limang public senior high schools at ang 20 paaralan na pumayag sa pilot run.
Binigyang diin naman ng kalihim na kailangan pa rin ang pagsuporta ng mga local government units kung saang lugar gagawin ang mga klase, gayundin kailangan ang consent ng mga magulang bago maisagawa ang in-person classes.
Kaugnay nito, siniguro ni Sec. Briones na lahat ng mga teachers na haharap sa mga estudyante ay mga bakunado na.
Magiging mandatory aniya ang vaccinations sa mga teaching personnel sa in-person classes.
“Kami sa Department of Education, ang aming legal department gumawa rin ng pag-aaral, ano ‘yung mga… instances when health precautions have to be mandatory and not necessarily voluntary. When the safety of the state is concerned the survival of the country is concerned in the time of the pandemic, the state has the right to impose mandatory precautions,” ani Sec. Briones.
Sa kabilang dako, inilatag naman ni DepEd Planning Service Director Roger Masapol ang ilang guidelines sa magaganap na pilot run.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
-Ang mga estudyante lamang sa elementary schools na sasali sa pilot program ay mula sa kinder hanggang Grade 3.
-Ang mga ito ay dapat walang mga comorbidities, nakatira sa syudad kung saan nandoon ang paaralan at kung maari ay pwedeng lakarin ang kanyang school hanggang sa kanyang bahay.
-Doon naman sa school personnel dapat ay 65-anyos pababa at walang dinaranas na anumang sakit.
-Para naman sa mga klase sa kinder, dapat daw ay 12 estudyante ang maximum, habang ang klase sa Grade 1 hanggang Grade 3 ay aabot lamang sa maximum na 16 na learners.
-Sa mga senior high school classes naman sa pilot run, dapat ay aabot lamang sa 20 learners at ang senior high classes sa mga laboratories, workshops, samantalang sa technical vocational education ay nararapat na 12 mga estudyante ang maximum.
Nilinaw pa ni Usec Masapol na dapat din na isang teacher lamang ang ide-deploy kada klase sa kinder hanggang Grade 3 para maibsan ang exposure ng iba pang mga guro habang isinagasawa ang pilot run sa face-to-face classes.
Ang pilot run ay tatagal lamang ng dalawang buwan.
Samantala, bagamat aprubado na ni Pangulong Rodrido Duterte ang kauna-unahang pilot program wala pa namang itinakdang petsa ang DepEd kung kelan ito magsisimula.
Sa ngayon nasa mahigit 600 mga paaralan ang nominado na pwedeng magsagawa ng face-to-face classes na inirekomenda ng mga DepEd regional directors pero dadaan pa ito sa mabusising pag-aaral para sa pinal na listahan.
Nilinaw naman ni DOH spokesperson Usec Maria Rosario Vergeire, hindi na kailangan na sumailalim sa COVID tests ang mga estudyante na kasali sa pilot test.
Ang kailangan lamang ay ang palaging pag-check sa kalusugan ng mga mga bata o kung may mga symptoms pati na sa mga teachers tuwing umaga.
Naghahanda rin daw ang DOH ng hiwalay na protocols o guidelines kung sakali namang merong outbreak ng virus sa mga paaralan na merong pilot run sa in-person classes.
“Of course, we still have a baseline or medical assessment for all of these workers and teachers and students but testing will not be recommended,” giit pa ni Usec Vergerie.