DAVAO CITY – Isinagawa na ang pag-adjust ng schedule sa mga events sa athletics upang maiwasan ang pagka-heatstroke ng mga atleta.
Ayon kay Department of Education (DepEd)-11 spokesperson Genelito Atillo, binigyan ng konsiderasyon ang mga nagpapatakbo sa Palarong Pambansa dahil sa sobrang init ng panahon.
Ang larong athletics ay itinakda mula alas-6:00 hanggang alas-10:00 ng umaga at wala munang events mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Babalik lamang ang laro ng athletics mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi at maaring magpatuloy hanggang alas-7:00 ng gabi upang matapos ang nasabing events.
Nagtutulungan na rin ang mga team mula sa City Health Office (CHO) at sa Department of Health (DOH)-11 sa pagpapatayo ng dalawang kwarto na infirmary para sa mga atleta sa Davao City UP Mindanao Sports Complex sa Bago Oshero.
Layunin umano nito na kaagad na malapatan ng gamut ang mga nagkasakit na mga atleta.
Ayaw na ng lokal na pamahalaan na maulit ang nangyari sa DAVRAA Meet na isang atleta mula sa Davao Oriental ang nagkasakit at nasawi dahil sa sakit.