Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na bibigyan ng hanggang 30 araw na bakasyon ang mga guro.
Ayon sa ahensiya, ito ay base sa updated guidelines na nagpapahintulot sa mga guro na i-schedule ang kanilang 30 araw na uninterrupted break sa pagitan ng April 16 at June 1, 2025, maaaring magkakasunod o staggered basis.
Kabilang din sa mabibigyan ng katumbas ng isang buwang bakasyon ay ang Alternative Learning System (ALS) teachers at ang mga nagtuturo ng Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) classes.
Nilinaw ng DepEd na hindi obligado ang mga guro na makibahagi sa anumang aktibidad may kinalaman sa Performance Management Evaluation System (PMES) habang sila ay nakabakasyon.
Maaari nilang kumpletuhin at isumite ang kanilang electronic Individual Performance Commitment and Review Form sa katapusan ng unang buwan ng School Year 2025-2026, habang ang mga naga-apply para sa promotion ay maaaring magsumite ng performance evaluations bago ang huling araw ng klase.
Boluntaryo din ang pagsali sa professional development activities o summer training at lahat ng guro na makikibahagi dito ay makakatanggap ng Vacation Service Credits maliban pa sa 30 araw na limit.
Papayagan din ang mga guro na makilahok sa mga aktibidad sa May 2025 elections at sports events sa kasagsagan ng kanilang bakasyon.
Hindi naman kasama sa vacation benefits ang mga school heads dahil sila ang responsable sa pamamahala sa paaralan sa kasagsagan ng bakasyon subalit entitled pa rin sila para sa vacation at sick leave credits sa nasabing period.
Samantala, sa isang statement, sinabi ni Education Sec. Sonny Angara na isang well-deserved opportunity ang break na ito sa mga maga-aral at sa mga guro para makapag-relax matapos ang mahabang academic year.