Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na hindi na umano bago ang pagpapatupad ng blended learning sa sektor ng edukasyon sa bansa.
Pahayag ito ni DepEd Sec. Leonor Briones kasunod ng mga pagdududa sa kahandaan ng bansa para sa pagpapatupad ng alternatibong paraan sa pagtuturo sa harap ng COVID-19 pandemic.
Una rito, inihayag ni Vice President Leni Robredo na mahirap gawin ang online learning lalo na sa ilang mga lugar sa bansa na walang access sa Internet.
Pero ayon kay Briones, ilang dekada na rin umanong ginagawa sa mga paaralan at unibersidad sa buong Pilipinas ang ganitong paraan ng pagtuturo.
“We have been doing distance learning, blended learning for decades and decades. We have a university— at the University of the Philippines, which does and specializes in distance education for the longest time and those who take up education and study education are already exposed to this. We are not inventing anything new,” wika ni Briones.
Kung maaalala, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay duda kung handa na ang bansa para magsagawa ng distance learning habang suspendido ang mga pisikal na klase.
Pero sinabi ng Pangulong Duterte na kung kakayanin naman ng pamahalaan na maibigay ang mga kinakailangang kagamitan para sa milyun-milyon mga mag-aaral, maaaring ituloy ng DepEd ang kanilang plano para sa papalapit na school year.