Bubusisiin ng Department of Education (DepEd) ang veracity o tunay na nangyari sa likod ng video na kumakalat ngayon online na nagpapakita sa babaing guro na pinapagalitan ang kaniyang mga estudyante habang naka-livestream sa kaniyang Tiktok account.
Ayon kay DepEd Deputy Spokesperson at Assistant Secretary Francis Bringas beniberipika na nila ang naturang video mula sa kanilang field office.
Paliwanag pa ng DepEd official na nangangailangan pa ng kumpletong incident report sa nangyari para matukoy ang magiging susunod na aksiyon ng ahensiya alinsunod na rin sa mga umiiral na polisiya.
Agad naman aniyang maglalabas ang kagawaran ng updates at karagdagang impormasyon sa oras na ito ay maging available na.
Una rito, kumalat maging sa iba pang online platform ang viral tiktok video ng guro na may username na serendipitylover na galit na galit na pinagsasabihan ang kaniyang mga estudyante dahil sa masamang asal umano ng mga ito.
Tumagal ang naturang video ng 2 minuto at 11 segundo kung saan maririnig ang naturang guro na pinagsasabihan ang kaniyang mga estudyante ng hindi magagandang salita gaya na lamang ng ugaling iskwater, ingrato at walang mararating sa buhay.
Umani naman ito ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens na nakapanood ng livestream ng nasabing guro. May nagsabi na pinuna ang choice of words ng guro sa mga estudyante nito at nagpahayag ng pagkadismaya dahil hindi dapat umano idinadaan sa social media ang galit at inis nito at bawal umano ito.
Samantala, base naman sa DepEd, mayroong existing policies sa paggamit ng mga guro ng social media habang nasa klase gaya ng nakasaad sa DepEd Order No. 49 series of 2022 o ang Promotion of Professionalism in the Implementation and Delivery of Basic Education Programs and Services.