Bumabalangkas na umano ngayon ang Department of Education (DepEd) ng iba’t ibang mga plano at mga adjustment na siyang tutugon sa mga problemang dulot ng coronavirus disease (COVID-19) situation sa bansa.
Pahayag ito ng DepEd matapos palawigin pa hanggang sa katapusan ng Abril ang umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, tinatalakay na nila ang implikasyon ng pinalawig na quarantine period sa sektor ng edukasyon, maging ang pagbuo ng mga contingency measures at adjustments para rito.
Bunsod din aniya ng development sa COVID-19 situation sa bansa, hindi pa raw nila matiyak sa ngayon kung kailan itatakda ang petsa ng school opening.
Ilan din sa mga paplantsahin nilang isyu ang posibleng mga alternatibong paraan ng pagtuturo.
Sakali aniyang manatiling sarado ang mga paaralan dahil sa coronavirus situation, ilan sa mga ikinokonsidera nilang opsyon ang distance learning via online.
Gayunman, aminado ang kalihim na hindi ito magiging madali lalo na sa public school system.
Samantala, dahil sa extension ng ECQ, sinabi ni Briones na ang mga paaralan na raw ang bahalang magpatupad ng adjustments tungkol sa pagsasagawa ng year-end ceremonies gaya ng moving up at graduation.
Una nang pinayagan ng kagawaran ang mga eskwelahan na magdaos ng end-of-school-year rites sa oras na bawiin na ang ECQ sa Luzon at iba pang mga areas.