-- Advertisements --

Kinilala ng Department of Education (DepEd) ang napakalaking suporta na ibinigay ng buong bansa para maging matagumpay ang pagbubukas ng klase sa kabila ng napakaraming hamon bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang talumpati sa selebrasyon ng World Teacher’s Day nitong Sabado, sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na nagpakita ng inisyatibo ang mga Pilipino sa pagtulong kahit hindi hinihingi ng kagawaran.

Dahil sa mga tulong mula sa komunidad at maging sa iba’t ibang mga sektor, inihayag ni Briones na hindi raw nila maisasakatuparan ang kanilang mga plano para sa balik-eskwela kahit kakaunti ang kanilang resources.

“Hindi naman lahat ng hinihingi natin puwede maibigay. Mas mahal ang mga pangangailangan tulad ng modules, magastos pa at very expensive para sa environment,” wika ni Briones.

“Kung ano man ang kulang ay tinatapalan ng mga Pilipino mismo,” dagdag nito.

Ayon pa sa kalihim, mas bumuti raw ang ugnayan ng DepEd sa mga lokal na pamahalaan, lalo na sa lebel ng barangay, na tumulong para sa pamamahagi ng pagkain at modules.

“As all of us know, the [Special Assistance Fund] is from a national tax, which is collected by the local governments. But many local governments go beyond the SEF and spend part of their budgets especially on education,” ani Briones.

Kasabay nito, kinilala rin ni Briones ang effort ng mga guro att sa lahat ng mga sumusuporta sa kanila, na batid ang mga balakid na kinakaharap ng sektoor ng edukasyon.

Kung maalala, noong unang araw ng pasukan noong Oktubre 5, idineklara ni Briones ang “tagumpay” laban sa COVID-19 pandemic.