Nakasalalay pa rin umano sa magiging huling pasya ng Pangulong Rodrigo Duterte kung tuloy o hindi ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
Pahayag ito ni Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones sa naging pagdinig sa Senado kaugnay sa kahandaan ng gobyerno at ng mga paaralan para tiyaking ligtas ang darating na school year.
Ayon kay Briones, sa Hulyo 15 ay muli silang magpupulong kung saan kasama sa mga iuulat nila kay Pangulong Duterte ang bilang ng mga nagpatala para sa pasukan.
Paliwanag ni Briones, isa raw sa mga konsiderasyon ay ang status ng inaabangang bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa pinakahuling datos mula sa kagawaran, halos 9.96-milyong mga estudyante na ang nag-enroll sa iba’t ibang mga paaralan sa bansa.
Sa kabuuang bilang, 577,695 ang nag-enroll sa kindergarten, 4.8-milyon sa elementary, 3.2-milyon sa junior high school, at 1.09-milyon sa senior high school.
Samantala, ngayong dalawang buwan na lamang bago ang pasukan, inihayag ni Briones na patuloy ang DepEd sa pag-imprenta ng mga learning materials na ilalaan para sa mga lugar na walang access sa Internet, telebisyon o maging sa radyo.
Isasalang din daw sa training ang nasa 800,000 guro, na bibigyan din ng dektop sets para sa kanilang pagtuturo.
Matatandaang sinabi ng Pangulong Duterte kamakailan na duda raw ito kung handa na ba talaga ang Pilipinas para sa blended learning.
Pero ayon kay Briones, hindi raw kailanman magiging handang-handa ang bansa.
“We can never attain full readiness because the world is changing rapidly,” ani Briones.
“By the time we are 100 percent ready, other problems and complications [would] have come in.”