-- Advertisements --

Umapela ang grupo ng mga private schools sa Department of Education (DepEd) na magbigay ng dagdag na paliwanag kaugnay sa isyu ng mga pribadong paaralan na magsasara sa harap ng nararanasang COVID-19 crisis.

Una nang sinabi ng DepEd na mula sa mahigit 14,000 private institutions sa buong bansa, papalo sa 748 ang magsususpinde muna ng kanilang operasyon sa school year 2020-2021.

Ayon kay Atty. Joseph Noel Estrada, managing director ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), karapatang malaman ng publiko kung saan hinango ang naturang impormasyon.

Nangangamba si Estrada na imbes na makatulong ay baka magdulot pa ito ng kalituhan sa publiko.

Sa panig naman ng Federation of Associations of Private School Administrators (FAPSA), posible raw nakuha ng DepEd ang naturang datos sa isinagawa nilang survey sa mga school.

Una nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones, ang mababang enrollment turnout at ang paglipat ng mga guro sa public schools ang ilan sa mga pangunahing rason kaya nagpasya ang ilang mga eskwelahan na magsara muna.

Nagpahayag naman ng kanyang pag-asa si Briones na irerekonsidera ng naturang mga educational institution ang kanilang pasya dahil sumisigla na raw ang takbo ng ekonomiya.

Umapela rin ang kagawaran sa mga local government units na tulungan ang mga private schools sa kanilang lugar na nahihirapang mag-operate dahil sa pandemya.

Sa pinakahuling datos, umabot na sa 24.3-million ang mga nag-enroll sa mga public at private schools, na 87.6% ng mga enrollees noong nakalipas na taon.