Itinuturo ngayon ng Department of Education (DepEd) ang epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya na dahilan sa paglipat ng libu-libong mga mag-aaral ng pribadong eskuwelahan patungo sa mga pampublikong paaralan.
Una rito, sa pinakahuling datos ay umabot naman na sa 18.8-milyon ang mga nakapag-enroll sa basic education sa buong bansa para sa nalalapit na school year 2020-2021.
Sa naturang bilang, halos 900,000 lamang dito ang nanggaling sa mga pribadong paaralan.
Nakapagtala naman ang ahensya ng 250,539 na mga estudyante mula elementary hanggang senior high school ang nagsilipatan sa mga public schools.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, isa sa posible umanong dahilan nito ang pagkawala ng trabaho at pagkakakitaan ng mga magulang ng mga estudyante dahil sa epekto ng health crisis.
“Sa pagdagok, pagbagsak ng ating economy… natamaan talaga nang husto ang private sector because they charge tuition and some of them charge additional fees,” wika ni Briones.
Dagdag pa ng kalihim, mas pinili na lamang daw ng ilang mga magulang na isailalim na lamang ang kanilang mga anak sa homeschooling sa halip na ipatala ang mga ito sa paaralan.
“If jobs will be restored, if people will start to work again, then they will have more confidence in enrolling their children in the private schools,” anang kalihim.
Kung maaalala, sinabi ng kagawaran na inaasahan na nilang bababa ang bilang ng mga magpaparehistro ngayong taon bunsod ng epekto sa ekonomiya ng COVID-19 pandemic.
Aminado naman ang DepEd na hindi nila kayang maabot ang kanilang target na 27-milyon na mga enrollees.