-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na wala pa ring mangyayaring face-to-face classes kahit sa mga lugar na walang naitatalang transmission ng coronavirus.

Tugon ito ng opisyal sa apela ni Vice President Leni Robredo na ikonsidera ang pagsasagawa ng in-person classes sa mga lugar na walang community transmission ng virus dahil sa mga hamon sa distance learning.

Pero paliwanag ni DepEd Sec. Leonor Briones, hindi pa rin ito posible sa sitwasyon ngayon dahil ito ay direktang utos mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Maliwanag kasi ang policy ng President, sinabi niya na walang face-to-face for as long as a vaccine is not found or by implication, an effective cure for coronavirus is developed and found, ‘yun ang condition,” wika ni Briones.

Sinabi ni Briones, hindi pa rin daw inirerekomenda sa ngayon ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa naturang mga lugar.

“Pinag-aaralan naman natin lahat ang kilos ng coronavirus na ito at dun sa places na may zero cases, bigla na lang nagkaroon ng spike — may mga lugar na kaunti lang ang identified na may virus pero biglang tumataas at meron din nag-flatten,” giit ng opisyal.