Iniulat ng Department of Education (DepEd) na umabot sa nasa P16.8-milyon ang halaga ng mga learning materials na nasira sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Sa isang situation report, sinabi ng DepEd na halos 400,000 learning materials, na karamihan ay nanggaling sa Bicol region, ang nasira bunsod ng bagyo.
Maliban sa Bicol, nakatanggap din aniya ng report ang DepEd tungkol sa mga nasirang learning materials sa Cordillera Administrative Region, National Capital Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.
Sinira rin daw ng bagyo ang mahigit 23,000 computer sets sa ilang mga elementary at secondary schools sa buong bansa.
Habang nasa halos 1,800 namang mga paaralan ang napinsala kaya kailangan ng DepEd ng nasa P3.6-bilyon para sa pagsasaayos ng naturang mga istraktura.
Sa pagtataya ng kagawaran, nasa P38.9-bilyon ang kinakailangan para sa pagsasaayos ng mga pinsala.
Ngunit as of November 20, nakapaglaan pa lamang ang ahensya ng P5.7-milyon para sa “other non-infrastructure needs.”
Nag-donate na rin daw ng P1.4-milyon ang mga local DepEd offices para sa iba pang mga regional at division units na naapektuhan ng bagyo.