-- Advertisements --

Umaasa ang Department of Education (DepEd) na magiging pansamantala lamang ang pagsuspinde muna ng nasa halos 700 mga pribadong paaralan sa buong bansa sa kanilang operasyon ngayong school year.

Ayon kay DepEd Usec. Jesus Mateo, nasa 676 ang mga private schools ang nagsabi na raw sa kanila na hindi raw muna sila magbubukas ngayong taon bunsod ng epekto ng coronavirus crisis.

“Temporary lang ang closures nila pero kung maganda-ganda na next year, magbubukas na po sila,” wika ni Mateo.

Sa panig naman ni Education Secretary Leonor Briones, ang mababang enrollment turnout at ang paglipat ng mga guro sa public schools ang ilan sa mga pangunahing rason kaya nagpasya ang ilang mga eskwelahan na magsara muna.

“Wala pang COVID, wala pang downturn ng economy, nagma-migrate na ang private school teachers dahil ‘di mahabol ng mga maliliit na private schools ang compensation at benefits ng mga nasa public schools,” ani Briones.

Nagpahayag naman ng kanyang pag-asa si Briones na irerekonsidera ng naturang mga educational institution ang kanilang pasya dahil sumisigla na raw ang takbo ng ekonomiya.

Kasabay nito, umapela rin ang kagawaran sa mga local government units na tulungan ang mga private schools sa kanilang lugar na nahihirapang mag-operate dahil sa pandemya.

Sa datos mula sa ahensya, ang temporary closure sa mga paaralan ay makakaapekto sa mahigit 40,00 estudyante at mahigit 3,000 mga guro.

Sa panig ng mga grupo ng private schools, sinabi ni Atty. Joseph Noel Estrada ng Coordinating Council of Private Educational Associations na umaasa silang gaganda ang enrollment sa mga pribadong institusyon sa oras na malagdaan na ang Bayanihan to Recover as One Act o kilala rin bilang Bayanihan 2.

Sa ilalim ng panukalang batas, may nakalaang allowance para sa mga kwalipikadong estudyantem mga gurong nawalan ng trabaho at mga non-teaching personnel.

Ayon sa Malacanang, posibleng lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan 2 sa susunod na linggo.