All-systems go na umano ang Department of Education (DepEd) para sa pagbubukas ng klase sa Lunes, August 22, 2022.
Ito ang kinumpirma ni DepEd spokesperson Atty. Michael Wesley Poa.
Sa ngayon nasa 27 million estudyante ang nag-enroll para sa school year 2022 to 2023.
Katumbas ang naturang bilang ng 96 percent ng target ng DepEd na 28.6 million na mag-e-enroll.
Magpapatuloy ang enrollment hanggang sa araw ng pasukan, August 22.
Sinabi ni Atty. Poa, 90% sa mga eskwelahan sa bansa ang magsasagawa ng face-to-face classes.
Batay sa datos ng DepEd, sa ngayon nasa kabuuang 24,175 schools o 46% na mga eskwelahan sa bansa ang magpapatupad ng face-to-face classes.
Habang nasa 29,721 schools o 51.8% ang mag-iimplementa ng blended learning at nasa 1,004 o 1.29% ang magsasagawa ng full distance learning.
Batay naman sa inilabas na DepEd order 34, lahat ng mga eskwelahan sa buong bansa ay magkakaroon ng transition to five days full face-to-face classes sa darating na November 2.
Umabot na rin sa 425 na mga pribadong paaralan ang nagsara sa kasagsagan ng pandemya.
Kinumpirma din ni Atty Poa, na sa Lunes makakatanggap ng P5,000 allowance ang lahat ng mga guro bilang tulong pinansiyal sa mga ito.