-- Advertisements --

Pinapayuhan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng mga paaralan sa bansa na isagawa na lamang indoor ang end-of-school-year rites tulad ng graduation at moving-up ceremonies.

Para kasi ngayong school year 2023-2024 isasagawa ang lahat ng end-of-school-year rites sa anumang petsa mula Mayo 29 hanggang 31 sa bisa ng DepEd Memorandum No. 023 series of 2024.

Kung saan nakasaad sa naturang memorandum na ipinapayo ng DepEd ang pagsasagawa ng naturang mga seremoniya sa indoor venues na may maayos na bentilasyon o sa covered courts para maiwasan ang exposure sa matinding init ng araw para matiyak din ang kaligtasan at maproteksiyunan ang mga mag-aaral, mga guro at attendees.

Dapat din na iwasan isagawa ang graduation o moving up ceremonies sa oras na napakainit ng temperatura at gawin lamang itong simple subalit makabuluhan.

Binigyang diin pa ng ahensiya na hindi dapat sapilitan ang pagdalo sa mga non-academic activities tulad ng field trips, film showings, Junio-senior Promenade at iba pang kaparehong school events at dapat na gawing graduation o completion requirements.

Para naman sa public schools, sinabi ng DepEd na ang mga gastusin sa mga aktibidad sa EOSY rites ay dapat na ipataw sa kanilang Maintenance and Other Operating Expenses account pero dapat ay subject sa existing guidelines.

Babala pa ng ahensiya na wala aniyang mga guro o personnel ng DepEd ang dapat na mangolekta ng anumang uri ng kontribusyon o fee para sa Graduation o moving up ceremony.