Hinimok ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang Department of Education (DepEd) na tiyaking laging naka-monitor sa kalusugan ng mga guro.
Ayon kay Castro, base sa survey na isinagawa ng Alliance of Concerned Teachers -NCR, lumalabas na 55.3 percent ng mga teacher-respondents ang mayroong flu-like symptoms.
Nakaka-alarma aniya ang dami na ito kaya nais rin niyang malaman kung ano ang mga ibinibigay na suporta o ginagawang hakbang ng DepEd para matulungan ang mga empleyado nilang nagkakasakit.
Kasabay nito ay nakikiisa si Castro sa panawagan para sa dalawang-linggong health break para sa mga guro upang sa gayon ay makapag-focus din sila sa kanilang mga sarili at pamilya sa harap nang panibagong pagsirit ng COVID-19 infections kamakaialan.
Samantala, base sa kanilang survey, sinabi rin ng kongresista na 84.7 percent ng mga teachers-respondents ang nagtatrabaho pa rin sa kabila nang nararanasang flu-like symptoms.
Lumabas din sa survey na 76.2 percent ng mga teachers-respondents ang nagsabi na wala silang natanggap na anumang tulong sa kabila nang kanilang sitwasyon.