-- Advertisements --

Magsasampa umano ng reklamo ang Department of Education (DepEd) sa isang review center sa Zambales na gumamit ng mga mahahalay na pangalan sa kanilang mga learning materials.

Sa budget hearing sa Senado, natanong ni Senator Joel Villanueva ang DepEd kung papaano nila mino-monitor ang kalidad ng mga self-learning modules.

Partikular na tinukoy ni Villanueva ang isang social media post na nagpapakita ng paggamit ng kakaibang mga pangalan na may double meaning sa ilang mga exercises.

Tugon ni Education Secretary Leonor Briones, inimbestigahan na raw nila ang isyu at natuklasang hindi nanggaling sa DepEd ang materyales, kundi sa isang review center sa Zambales.

“It’s not DepEd… Nonetheless, they are still dirty which is not appropriate at all,” wika ni Briones.

“Kasi sometimes private schools produce their own materials so we’re wondering why it is attributed to DepEd at all. Review center ito and it is a particular subject for grown ups but it is not an excuse at all. We will take action on that,” banta nito.

Binigyang-diin pa ng kalihim na hindi pa nagagamit ang mga learning materials sa paaralan dahil hindi pa nagsisimula ang klase.

“I’m curious why would someone in Zambales put up a review center and attribute it to DepEd. There is clearly malice involved,” anang kalihim.

“We are going to file (charges) under all possible laws against this malicious attempt. It’s really a sabotage of our programs. It put us in a bad light,” dagdag nito.

Samantala, sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na hindi lahat ng mga self-learning modules na pino-post sa social media ay mula sa kanila.

Ayon kay San Antonio, mayroon nang team na nasa ilalim ng kanyang tanggapan na sumisiguro na walang isyu sa content ng modules.

“If there are major observations, we return it to the team that developed the modules and they provide us the revised one before we certify that it’s ready to be shared,” paglalahad ni San Antonio.