Ikinatuwa ng pamunuan ng Department of Education ang tuluyang pagsasabatas ng Republic Act 12076 o Ligtas Pinoy Center Act matapos na pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang bagong batas na ito ay naglalayong bigyan ng mandato ang lahat ng mga Local Government Units na magtayo ng mga gusaling gagamitin lamang bilang evacuation centers.
Ito ang magsisilbing kanlungan ng mga residenteng naapektuhan ng kalamidad katulad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Education Secretary Sonny Angara, sa tulong ng naturang batas ay magkakaroon ng pagkakataon ang mga paaralan na magpatuloy sa kanilang klase.
Ayon kay Angara, tuwing may sakuna ay naaabala ang klase ng mga bata at maging ang operasyon ng buong paaralan.
Kadalasan kasing ginagamit ng evacuation area ang mga silid aralan tuwing may kalamidad.
Aniya , kung hiwalay ang evacuation area sa mga paaralan ay mas mabilis na makakapag cope up sa mga aralin ang mga mag-aaral pagkatapos ng bagyo.
Ang mga evacuation centers ay itatayo sa mga lugar na malayo sa danger zone.