Pinag-iisipan ngayon ng Department of Education (DepEd) na palawigin pa hanggang Hulyo 15 ang enrollment period sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ngayong Martes kasi ang huling araw ng enrollment period para sa School Year 2020-2021.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, ito raw ay upang mabigyan pa ng pagkakataon na makahabol sa pagpapatala ang mga estudyanteng hindi pa makapag-enroll ngayon.
Bibigyan din aniya nila ng palugit ang mga magulang para maihulog sa itinalagang mga drop boxes sa kada barangay ang mga enrollment forms ng kanilang mga anak.
Sa mga private schools naman, sinabi ng kalihim na “autonomous” o kanya-kanya ang mga ito, kaya may ilan na nakatakda pang simulan sa Agosto ang enrollment.
“Marami akong natatanggap na mga request na humihingi ng extension na kung pwedeng i-accomodate ‘yung mga anak nila,” wika ni Briones sa isang panayam.
Sa pinakahuling datos mula sa DepEd, pumalo na sa 15.9-milyong mga estudyante ang nag-enroll sa mga public at private schools sa buong bansa.
Sa naturang bilang, 15.2-milyon ang nagmula sa mga pampublikong paaralan, habang nasa 672,000 naman ang nagpatala sa mga pribadong eskwelahan.
Una nang sinabi ng DepEd na target nilang mapaabot ng hanggang 28-milyon ang mga enrollees mula Kindergarten hanggang Grade 12.