Inumpisahan na ng Department of Education (DepEd) ang imbestigasyon kaugnay sa public school teacher na nag-post sa social media na magbibigay umano ito ng P50-milyong sa sinumang makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay DepEd Usec. Josephine Maribojoc, bahagi raw ito ng proseso para sa posibleng pagsasampa ng kasong administratibo laban sa gurong si Ronnel Mas.
Kumikilos na rin aniya ang principal ng Taltal National High School sa bayan ng Masinloc, Zambales kung saan nagtuturo si Mas upang mangalap ng mga detalye ng insidente.
Tiniyak naman ni Maribojoc na magiging patas ang kagawaran sa gagawin nilang imbestigasyon.
Sa kasalukuyan, nananatili si Mas sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos itong madakip kahapon.