CAUAYAN CITY – Kinondena ng Schools Division Office ng Department of Education (DepEd) sa Isabela ang pagkakasangkot sa illegal na gawain ng dalawang pampublikong guro.
Pinakahuli rito ang pag-aresto sa 47-anyos na guro mula sa Alicia, Isabela na nag-shoplift sa department store ng SM Mall sa Cauayan City ng mga gamit sa paaralan at iba pang personal na gamit na umaabot sa halagang mahigit P2,000.
Unang sinampahan ng mga kaso ang 45-anyos na guro mula sa Naguilian, Isabela dahil sa paratang na panghahalay sa 14-anyos na estudiyante at pagkuha pa ng video sa biktima.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Superintendent Reynante Caliguiran ng DepEd Isabela, sinabi niya na nakakalungkot na may mga guro na nasasangkot sa maling gawain tulad ng pag-shoplift ng guro sa mall noong ika-25 ng Mayo 2019.
Iginiit ni Dr. Caliguiran na hindi dapat ginagawa ang pagnanakaw ng mga gamit sa eskuwelahan dahil may nakalaang pondo para sa pagbili ng mga kagamitan sa pagtuturo.
Unang kinumpirma ni Cpt Esem Galiza, information officer ng Cauayan City Police Station at hepe ng Women and Children’s Protection Desk na isang guro ang babaeng nasangkot sa shoplifting dahil sa kanyang dalang identification card.
Aniya, sinampahan ng kaso ang guro noong Lunes ngunit pansamantalang nakalaya matapos maglagak ng piyansa.