Pinabulaanan ng Department of Education ang napaulat na pagkamatay ng 2 guro sa Iloilo dahil umano sa heat stroke.
Nilinaw ng ahensiya na nasawi ang 2 guro dahil sa ibang sakit at walang kinalaman ito sa heat stroke.
Sinabi pa ng DepEd na base sa schools division office, walang mga guro sa kanilang nasasakupang paaralan ang nasawi mula sa heatstroke.
Ginawa ng DepEd ang naturang paglilinaw bilang tugon sa isang post sa online kaugnay sa 2 guro na nasawi umano dahil sa heatstroke habang nagkaklase.
Subalit binigyang diin ng DepEd na ang naturang post ay inaccurate at misleading.
Base aniya sa kanilang official records, ang isa sa mga guro sa Sta. Barbara ay nasawi noong Pebrero 2024 dahil sa Hypertensive Cardiovascular Disease.
Habang ang isang guro naman ay nasawi noong Marso 2024 dahil sa Aneurysm na parehong nangyari sa kanilang mga bahay.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay ang DepEd sa pamilyang naulila ng 2 guro.